Monday, September 27, 2010

Si Baing


Nakayapak. Kumakandirit habang binabagtas ang kakarampot na tawirang pilapil. Di-alintana ang malapalasong sikat ng araw na patuloy na gumuguhit sa malakalabaw nitong balat. Hinulma na ng panahon ang kalyado nitong mga paa. Hininang na ng bawat bukhang-liwayway ang kanyang mukha. Marahil sa ilan Siya ay pangkaraniwan. Ngunit sa aking mga mata, siya ay natatangi at marapat lang na bigyang pagpupugay at pagkilala.

Pagtahak sa palayan ng nakayapak patungo sa bayan. Iyan ang kanyang RITWAL. Isang palaisipan sa akin magpasahanggang ngayon kung bakit ayaw niya magsuot ng sapin sa paa. Magpailang ulit na siyang binigyan ng aking lola ng sinelas pero sa tuwing dadaan siya sa aming tahanan para magkape, hubo't hubad parin ang mga paa nito. Tama. tuwing umaga, pumaparoon siya sa aming tahanan upang makahigop ng isang tasang kape.Hindi ko maipagkakailang ako'y naaalibadbaran at nagiging bugnutin sa tuwing maririnig ko ang matinis niyang tinig. Nagmistula itong alarm clock tuwing umaga.


kape-kape-kape! kape-kape-kape! agriing kan nang ta agkape tan...


Isang imbitasyong araw-araw tumotorete sa'king tenga. Ani nga ng aking lola, "Hayaan mo na't likas talagang masayahin si Baing. Tumatanda na din kasi". Nagpapatawa ka ba La? Nakakatuwa lang isipin 'pagkat galing din sa matanda ang mga pampalubag-loob na yaon. Tinanong ko ang aking lola kung saan ba nagpupunta si Baing. Bakit araw-araw siyang nakikipag-unahan sa haring araw.

Sa barangay pala siya namamasukan.

Bakit kapag tumatanda ang isang tao, kung hindi man sa simbahan ang kanilang magiging huntahan, sa Health Center ang kanilang bagsak? Hindi bilang pasyente kundi bilang manggagawa. Hindi pa ba sapat ang maraming taong pagpapaalila at pagpapakasakit sa hamon ng buhay? O talagang likas lang sa kanila ang pagiging masukista?

Buwan-buwan, may 'patak' sila baing. Patak kung kanila itong tawagin 'pagkat may ipapatak sila sa bibig ng mga musmos sa bayan. Pampalakas daw. Bukod sa pagbibigay ng halamang gamot sa mga nangangailangang kabarangay, may sideline din si Baing - pagkukumpuni ng sirang payong at paggawa ng gasera. Mabenta din siya tuwing pista ng barangay 'pagkat siya ang opisyal na manunulo (taga-gawa ng sulo at pailaw). Abot tenga na ang ngiti nito sa mga lumang damit at ilang piraso ng barya't pandesal, kapalit ng kanyang serbisyo.

Kaasi met ni Baing.

Ito ang karaniwang sinasabi ng mga tao kay Baing. Naaawa daw sila sa kalagayan niya. Matanda na pero patuloy paring kumakayod. Wala ba siyang kamag-anak? Parang biglang may kumurot sa aking kamulatan 'pagkat ako'y kanya ring kamag-anak. Kung may magagawa lang ako para sa kanya ngunit nasa ikatlong taon pa lang ako noon sa Sekundarya. Hindi rin naman sapat ang estado ng aming buhay para bigyan siya ng pamuhunan para makapagsimula.

Patimpalak sa Pagsulat. Kabilang ako sa mga napiling kumatawan para sa aming paaralan. Sumulat ng Isang Lathalain tungkol sa Pinakapaborito Mong Opisyal ng Pamahalaan. Si Ninoy kaya? O si Marcos? Pwede rin si Cory. Sandali akong nagmuni-muni. Ano ba ang katangian ng isang mabuting Public Official? Dapat totoo. Bukal sa puso ang paninilbihan at hindi pansariling interes ang pinaiiral. Hindi baleng salat sa salita basta't sapat sa gawa. Iyong taong laging nariyan 'pag kailangan ng sambayanan ang serbisyo. Nananatiling masayahin at mapagpakumbaba sa kabila ng problemang kanyang kinakaharap. Lagi nitong iniisip na may latigo ang langit. Inspirasyon ng nasasakupan, idolo ng sambayanan.

Pinasa ko ang aking payak na pagtalakay tatlumpung minuto bago ang itinakdang oras. Lumabas ako sa silid timpalakang nakangiti. Nag-uumapaw sa kaligayahan. Hindi pa man ako tinatanghal na nagwagi, para sa akin, ang produkto ng aking makulit na imahinasyon ay maituturing kong isang OBRA.

1st ako mang!

wika ko sa aking lola 'pagdating sa aming tahanan. Hindi naman ako emosyonal na tao kaya't mas naghari ang ngiti't halakhakan laban sa iyakan. Ano ang topic nyo? Tita ko 'yun na isang tagapayo ng pahayagan ng paaralang kanyang pinagsisilbihan. Kami'y nagkwentuhan. Ilang minuto ang nagdaan, dumating si Baing.

Baing, sika kanu ti impangabak ni Majo!

Maluha-luha si Baing. Pati ang Lola, Ina at tita ko, hindi nagpatalo sa pagiging emosyonal.

Salamat Balong.

Sabi ko nga kanina. Hindi ako 'yong tipo ng taong mababaw ang luha. Pero, aminado akong kakaiba ang aking naramdaman nang mamutawi sa bibig ni Baing ang pasasalamat. Marahil sa ila'y pangkaraniwan na lamang na gawin silang tema ng isang sanaysay ngunit para kay Baing, isa itong karanasang kailanma'y hindi niya pinangarap.

Ang pagbabalik-tanaw na ito'y di ko kailanman malilimot. Nais ko sanang mahanap 'yung aking akda patungkol kay Baing ngunit hindi na iyon posible 'pagkat nag-iisa lamang iyong aking pinasa nung araw ng timpalak. Siguro nga'y itinadhana ang aking pagpili kay Baing bilang Paborito kong opisyal pampuliko. Ang napili kong landas na tahakin ay may kinalaman din sa kanyang pagiging BHW. Propesyong nangangailangan ng pagiging totoo. Bukal sa puso ang paninilbihan at hindi pansariling interes ang pinaiiral. 'Di baleng salat sa salita basta't sapat sa gawa. Laging nariyan 'pag kailangan ng sambayanan ang serbisyo. Nananatiling masayahin at mapagpakumbaba sa kabila ng problemang kakaharapin. Laging iisiping may latigo ang langit. Inspirasyon.

SALAMAT Baing sa Inspirasyon. Sa ngiti. Sa Pag-asa. Ngayo'y kapiling ka na ni Bathala ngunit sa tuwing ako'y makakakita ng NAKAYAPAK, ikaw ang aking maaalala. Si Baing na di-alintana ang mga alingasngas ng ilan. Si Baing na di nagpagapi sa dagok ng buhay. Si Baing, kaagapay ang kanyang kalyadong mga paa - nagpatunay na basta't may buhay, kahit walang sinelas, MAY PAG-ASA.



A Tribute to all the Barangay Health Workers in the country

28th of September, 2010; 4:05 AM